Ang sinasabi ng litrato

July 20, 2008

Rebyu ng Ligalig: Portraits of Human Insecurity and Public Unrest
Photo exhibit, pinasimulan ng Artists’ Arrest,
Southern Tagalog Exposure at Kodao Productions
Nakadisplay sa Conspiracy Bar mula Hulyo 18 hanggang Agosto 5, 2008

Ang dali na ngayong magretoke ng litrato. Kaya hindi ko agad pinaniniwalaan ang lahat ng nakikita ko. Sinusubukan ko munang baklasin sa utak ko ang litrato para maghanap ng mga bakas ng pandurugas. Baka kasi pinatong ang ulo sa ibang katawan, at pinatong naman ang katawan sa ibang bakgrawnd. O baka may dinagdag na filter para kuminis ang mukha at kilikili. Pero marami ring pagkakataon na natatameme ako. Ang linis kasi ng pagkakapeke. Parang totoo.

Inedit na litrato ni Pres. George Bush. (mula sa http://www.ebaumsworld.com)

Bumaligtad ang utak ko nang puntahan ko ang photo exhibit na Ligalig: Portraits of Human Insecurity and Public Unrest kung saan tampok ang mga kuha nina: Boy Bagwis, Audrey Beltran, King Catoy, Karl Castro, Kiri Dalena, Dada Docot, Chantel Garcia, Kenneth Guda, Cristopher Linag, Nerve Macaspac, Marie Perlada, Ilang-Ilang Quijano, Candice Reyes, Luwalhati Silang, Jake Silbato, Alanah Torralba, at Raymund Villanueva. Hindi umubra rito ang pagbabaklas ko ng litrato. Wala akong makitang idinagdag na mga elemento. Sa halip, ang daming nawawalang detalye at ang daming masaklap na imahen sa koleksiyong ito. Tungkulin ng tumitingin na punan ang mga kulang.

kuha ni Ilang-ilang Quijano

kuha ni Ilang-ilang Quijano

Ang nawala, ang nawalan at ang naghahanap

Sa “Walang klase” ni Dada Docot, bakante ang isang klasrum sa Maimbung, Sulu dahil sa labanan ng militar at ng binansagang mga terorista. Mistulang pisara ang pader na may nakasulat na, if you are a leady be care for to your budy because the boys are ready to kill your biarginity.” Sa litrato naman ni Alanah Torralba, dinemolish ang tahanan ng isang ale. Kahit katabi niya ang estatwa ng Sto. Niño at ng birheng Maria, wala siyang kalaban-laban sa armadong sundalo sa harap niya. Tabingi ang kuha ni Karl Castro sa portait ni Karen Empeño, isang estudyanteng dinukot ng mga pinaghihinalaang ahente ng militar.

kuha ni Boy Bagwis

kuha ni Boy Bagwis

Sa ibang mga litrato, may balikbayang umuwing nakakabaong, may napatay na journalist, may batang lumobo ang ulo dahil sa aerial pesticide, may batang nawalan ng bahay dahil sa road widening project ng QCCBD, may lumikas na komunidad dahil sa operasyong-militar, at may nakulong dahil sa kanyang pulitikal na paniniwala.

kuha ni Karl Castro

kuha ni King Catoy

Kung mayroon mang imahen na kakikitaan ng pag-asa, siguro ito na ang mga aktibistang patuloy ang martsa kahit binobomba na ng tubig, at ang kuha sa mga rebeldeng NPA.

Sa unang tingin, mukha itong marahas. Pero kung itatabi ito sa ibang litrato, lumalabas na mas madali pa itong maunawaan. Naghahanap sila ng kaayusan. Nilalabanan nila ang mapang-aping puwersa ng estado.

Walang-hiya

Ibang imahen ng bansa ang ipinapakita ng administrasyong Arroyo. Makikita ito sa kanilang mga islogang “Ramdam ang Kaunlaran” at “Labanan ang Kahirapan.” Pero nagkamali ng sinabi si Exec. Sec. Eduardo Ermita ng tanungin siya sa isang presscon tungkol sa lalamanin ng nalalapit na State of the Nation Address. Sabi ni Ermita, “Magrereport siya, ano ba ang improvements sa infrastructuretotoo ba na ang mga barangay ay, I was about to say electrocuted, electrified.”

Bakit kaya electrocute ang nasa isip niya? Nakakataranta dahil nakuha pa niyang tumawa. Madadagdagan pa kaya ang litrato ng mga biktima? ’Wag naman sana.


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.